skip to content

Homiliya sa Misa ng Paglilibing kay Reb. Padre Tito Paez

001

11 Disyembre 2017 | Katedral ni San Jose Manggagawa,
Lungsod ng San Jose, Nueva Ecija

To our Apostolic Nuncio in the Philippines, His Excellency Archbishop Gabriele Giordano Caccia: thank you for bringing in our midst the silent, loving and prayerful presence of our beloved Pope Francis, all the more your presence makes us feel concretely the unity and solidarity of the Universal Church. Sa aking kapatid na Obispo, ang Lubhang Kagalang-galang Sofronio Bancud ng Diyosesis ng Cabanatuan, mga kapatid na pari, mga relihiyosong madre at mga brothers ng Diyosesis ng San Jose at mga kapatid na pari na galing sa iba’t ibang diyosesis at iba’t-ibang kongregasyon, sa pamilya ni Fr. Tito Paez, ang kanyang mga kapatid, pamangkin, mga apo, mga kamag-anak at mga kaibigan, mga lider-lingkod ng mga parokya at lahat ng grupong makabayan na galing sa iba’t ibang sulok ng bansa na nakatrabaho ni Fr. Tito Paez: Ang pagmamahal at kapayapaan ng Diyos ng katarungan ay sumainyong lahat!

Noong unang Linggo ng Adbiyento, ika-3 ng Disyembre ay inilunsad natin sa buong Pilipinas ang Taon ng mga pari at mga nagtalaga ng kanilang buhay sa Diyos. Ito ay bahagi ng siyam na taong paghahanda para sa ikalimangdaang Annibersaryo ng Christiyanismo sa Pilipinas. Nilalayon sa taong ito na makilala at mapagpanibago ang mahalagang papel ng mga pari at lahat ng nagtalaga ng buhay nila sa Diyos sa pagpapalagap ng Bagong ebanghelisasyon. Lunes, kinabukasan mag-aalas- otso ng gabi binaril at tinamaan ng dalawang bala mula sa siyam na pinaputok sa kanya si Fr. Tito at alas diyes labingdalawa siya ay opisyal na idineklarang “clinically dead.” Isang “sacrificial victim”, isang martir para sa taon ng mga pari at mga nagtalaga ng kanilang buhay sa Diyos. Isang paring tumulong sa isang “political detainee” at dahil sa kanyang pagtulong na ito ay literal na nag-alay ng kanyang buhay. Namatay habang nagliligtas ng buhay. Hindi ko na nadatnang buhay si Fr. Tito. Dumating ako wala na siya at nakatakip na siya ng kumot. Sa unang pagkakataon ay naranasan kong magbukas ng kumot upang tingnan ang mukha ng patay. Sa likod ng aking isip ay hinihiniling ko na sana hindi siya! Kung siya man, ano kaya? Galit kaya siya? Mukhang nahirapan kaya dahil sa pagkakabaril sa kanya? Pagbukas ko, si Fr. Tito nga, hindi siya mukhang galit, hindi mukhang nahirapan kundi isang mukhang payapa ang tumambad sa akin. Naalala ko ang sinabi ni Hesus sa ebanghelyo ni San Juan: “No one has taken it away from Me, but I lay it down on My own initiative. I have authority to lay it down, and I have authority to take it up again.” (cf. John 10:18) Isang pag-aalay na taus-puso!

Ito ang inilalarawan ng ating ebanghelyo ngayon: Ang mabuting pastol na nakahandang mag-alay ng buhay hanggang kamatayan para sa kanyang mga tupa. Sa pag-uumpisa ng taong ito ng kaparian at mga relihiyoso at relihiyosa, ipinapaalala sa atin na ang maging pari at magtalaga ng buhay sa Diyos ay nangangahulugang pagsunod kay Hesus hanggang kamatayan sa krus. Si Archbishop Soc ang ating Metropolitan Archbishop ng Lingayen-Dagupan ay nagsabi na modern na ngayon sa halip na pagpako sa krus ay binabaril na ang mga tagasunod ni Kristo.

Binanggit din sa ating ebanghelyo na ang Mabuting Pastol ay Siyang Pintuan. Noong unang panahon daw ang kulungan ng mga tupa ay mga kuweba. Madalas ang mabuting pastol ay maghahanap ng kuweba na may maliit na butas na puwedeng pasukan ng mga tupa para maprotektahan ang mga ito sa sand storm, sa lamig, init, mga magnanakaw at iba pang elemento. Siya ay tatayo sa may butas at magsisilbi siyang pintuan para sa kanila habang isa-isang pumapasok. Sa kanilang pagpasok ay nakikita niya kung alin ang may sugat na dapat talian at gamutin. Kapag nakapasok na lahat, ang mabuting pastol, hawak ang kanyang tungkod ay magbabantay sa labas at doon na siya mismo matutulog. Para bang sinasabi niya sa may masasamang balak: “Over my dead body.” Mamamatay muna ako bago ninyo masaktan o makuha ang mga tupang ipinagkatiwala sa akin.

Naalala ko noong sumabog ang Bulkang Pinatubo, sobrang naapektuhan ang Pampanga. Mayroon kaming karanasan na isa sa mga pari namin, sa kalagitnaan ng matinding pagragasa ng lahar ay siyang unang-unang tumakbo at tumakas upang iligtas ang kanyang sarili. Noong babalik na siya ay hinarangan siya ng mga tao. Nagbarikada sila at ayaw na siyang pabalikin. Sa kabilang banda ay mayroon din kaming isang pari na hindi umalis hanggang mayroon pang tao sa kanyang parokya. Ito naman ay lubos na minahal ng kanyang mga parokyano sapagkat isinabuhay niya ang tawag sa kanya upang maging mabuting pastol, ang isipin ang kapakanan ng kawan bago ang sarili. Ito din ang malinaw na isinabuhay ni Fr. Tito. Hindi na niya alintana ang panganib, mapaglingkuran lamang ang kawang sa kanya ay ipinagkatiwala.

Ang pagkamatay ni Fr. Tito ay isang magandang pagkakataon upang ilagay natin ang ating mga sarili sa harap ng Diyos. Ano ba ang hamon nito na magdudulot ng pagbabago sa bawat isa? Ano ba ang sinasabi nito para sa pagbabago ng ating mga kaparian at lahat ng nagtalaga ng buhay sa Diyos? Ano nga ba ang itinuturo sa atin ni Fr. Tito sa kanyang kamatayan na malalim na natanim sa mga araw ng kanyang burol?

Isang bagay ang matingkad na itinuturo niya sa atin – Ang Pag-ibig sa bayan ay hindi taliwas sa Pag-ibig sa Diyos; bagkus ito ay dapat sumasalamin sa tunay na kahulugan ng pagmamahal sa Diyos. Noong nagretreat si Fr. Tito upang ihanda ang sarili sa pagtatalaga sa Diyos, itinalaga din niya ang sarili niya sa Bayang Pilipinas na mahal natin. Sabi nga ni Msgr. Rolly Mabutol hindi siya aktibistang pari kundi isa siyang rebolusyunaryong pari na may malalim na pagmamahal sa bayan. Sa pagtugon natin sa tawag ng Diyos tayo ay ipinapadala sa mga konkretong sitwasyon na nag-aanyayang makialam sa mga usaping panlipunan, na dapat ipaglaban ang karapatang pantao at manindigan para sa kabanalan ng buhay at humanap ng katarungan sa mga naaapi at mga pinagkaitan nito.

Malinaw na ipinaaabot sa atin ng pagbubuwis ng buhay ni Fr. Tito na dapat ay kongkreto nating maipakita ang tunay na pagmamahal sa bayan – iniisip ang makabubuti sa lahat nang walang nayuyurakang karapatan at maipagpatuloy ang pagpapalaganap ng tunay na katarungan para sa lahat. Sa kanyang pagpanaw, hinahamon tayong tumugon nang may pagmamahal sa gitna ng kagipitan at paniniil. Ang totoong Kristiyano ay hindi naghahangad ng ikapapahamak ng kapwa bagkus ay nagpapalaganap ng pagmamahal sa Diyos, bayan at kapwa – ito ang mga katangiang isinabuhay ni Fr. Tito at kanyang iniiwang ala-ala sa atin ngayon.

Facebook
Twitter
LinkedIn
Pinterest
Author picture
About the Foundation
Logo
Preda Foundation Inc.

The work of Preda Foundation is focused on alleviating the physical, emotional, psychological and sexual abuse and suffering of children and preventing abuse through community education and social media.

Share this post
Facebook
Pinterest
WhatsApp
LinkedIn
Twitter