- Written by (JB Salarzon)
Nasagip nitong weekend ng mga awtoridad ang 35 na kababaihan kasama na rito ang isang menor de edad mula sa mga establisyimentong nag-aalok umano ng sex trade sa pamosong Boracay Island sa Kalibo, Aklan.
Ayon kay Sr. Insp. Mark Evan Salvo, hepe ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC), kanilang napatunayan ang ‘sex trade’ nang maganap ang entrapment operation sa tatlong videoke bar sa Barangay Manoc-Manoc at Yapak.
“Ang biktima ay nirerekrut mula sa malalayong probinsya at una inaalok na maging waitress at sa kalauna’y napipilitan na lamang na maging sex worker sa pamumuwersa ng mga may-ari ng bar,” ani Salvo.
Ang mga videoke bar na sangkot sa sex trade ay ang Isla Bora, Swampy Videoke Bar, at Wave 98.
Ayon naman kay PO1 RC Magpusao ng BTAC, hanggang P1,500 ang bar fine na kubrada ng may-ari ng bar sa kada babaeng inilalabas ng customer.
Aniya, ilan sa mga biktima ay mula Negros Occidental, Cebu at Metro Manila.
“Sinampahan na natin ng kasong paglabag sa Republic Act 9208 or anti-trafficking in person laban sa mga bar owners,” ani Magpusao.
Ang mga nasagip namang kababaihan ay nasa kustodiya na ng lokal na tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa stress debriefing at pagpapauwi sa kanila-kanilang pamilya sa probinsya.
http://www.abante.com.ph/news/vismin2/11464/35-kababaihan-nasagip-sa-boracay-sex-den.html